Idinaos nito lamang Marso 17, 2024 sa SM Santa Rosa Open Grounds ang taunang Mayor Arlene B. Arcillas Barangay Fire Olympics, na pinangunahan ng Bureau of Fire Protection (BFP) – Santa Rosa City Fire Station sa pamumuno ni FCINSP Merry Joy Asonza.
Bukod sa kaugnay ito ng paggunita ng Fire Prevention Month, layunin din ng aktibidad na sukatin at subukin ang kakayahan ng mga Barangay Fire Volunteer sakaling magkaroon ng fire emergencies sa kani-kanilang barangay.
Upang maisakatuparan ang mga layuning ito, tatlong kategorya ang pinaglaban ng mga kalahok at ito ay ang Hose Laying and Replacement of Busted Hose, Bucket Relay, at Flammable Fire Extinguishing.
Nilahukan ito ng Barangay Aplaya, Caingin, Dila, Dita, Don Jose, Ibaba, Kanluran, Labas, Malusak, Market Area, Pulong Santa Cruz, Sto. Domingo, at Tagapo.
Nanguna sa Hose Laying and Replacement of Busted Hose ang Barangay Dila, habang Barangay Tagapo ang sa Bucket Relay. Nasungkit naman Barangay Don Jose ang unang pwesto para sa Flammable Fire Extinguishing.
Sa kabuuan, mula sa 13 barangay na nakilahok, itinanghal na overall champion ang Barangay Dila, na sinundan naman ng Barangay Tagapo sa 2nd Place at Barangay Dita sa 3rd Place.