Sa pangangasiwa ng Department of Interior and Local Government (DILG) – Santa Rosa, sinimulan na muli noong ika-10 ng Marso 2024 ang Barangay Assembly ng 18 na barangay ng lungsod para sa unang semester ng taon.
Sa pagtitipon, pinangungunahan ng mga Punong Barangay ang paglalahad ng mga financial report; pag-uulat ng mga proyektong naipatupad mula Oktubre 2023 hanggang Pebrero 2024; gayundin ay ang mga proyektong kasalukuyang ginagawa o ongoing.
Layunin nitong ipakita ang pagiging accountable at transparent ng bawat barangay sa mga programa, proyekto, at aktibidad na mayroon sila. Isang pamamaraan din ito upang makalikha ng magandang ugnayan ang barangay sa pagitan ng mga opisyal at residente. Ang mga layuning ito ay akma sa tema ng pagpupulong ngayong taon na “Barangay at Mamamayan, Sama-samang Nagtutulungan sa Pagtaguyod ng Maayos, Maunlad, at Mapayapang Pamayanan Tungo sa Isang Bagong Pilipinas”.
Sa ngayon, isa sa mga barangay na nakapagtapos na ng kanilang Barangay Assembly ay ang Barangay Aplaya sa pangunguna ni Kap. Fe Beato Villanueva. Ang Barangay Assembly ay magpapatuloy hanggang ika-26 ng Marso 2024.