Walong paaralang pang-sekondarya, lumahok sa fire olympics
By:Trixie Mae B. Umali
March 26, 2024 | 3:53 PM (GMT+8)
Bukod sa isinagawang Barangay Fire Olympics ng Bureau of Fire Protection (BFP) – Santa Rosa, nagkaroon din ang ahensya ng Fire Olympics para naman sa mga mag-aaral na Senior High School noong ika-23 ng Marso 2024 sa SM City Santa Rosa Open Grounds.
Walong paaralan ang nakiisa at lumahok sa aktibidad na bahagi pa rin ng pagdiriwang ng Fire Prevention Month. Ito ay ang Aplaya National High School, Balibago National High School, Dominican College of Santa Rosa, Don Jose Integrated School, Labas Senior High School, Santa Rosa Science and Technology High School, Sinalhan Integrated High School, at Sto. Domingo Integrated High School.
Layunin nitong maipakita ang kaalaman at kasanayan ng mga mag-aaral na kabataan sakaling magkaroon ng sunog. Gayundin ay upang lalo pang maitaguyod ang kamalayan at kahandaan ng mga ito sa nasabing sakuna.
Kalakip ng fire olympics ang tatlong kategorya na siyang pinaglabanan ng mga kalahok—ang Replacement of Busted Hose, Bucket Relay, at Flammable Fire Extinguishing. Nanguna ang Aplaya National High School sa Bucket Relay at Flammable Fire Extinguishing, habang ang Labas Senior High School naman ang sa Replacement of Busted Hose.
Sa huli, idineklarang 2nd Runner Up ang Don Jose Integrated School; 1st Runner Up naman ang Labas Senior High School, at Overall Champion ang Aplaya National High School.
Samantala, dumalo rin sa kaganapan ang pangunahing pandangal mula sa DepEd Santa Rosa na si Ms. Lea E. Ibayan, Project Development Officer Il for Disaster Risk Reduction and Management Division, mga Punongguro mula sa iba’t ibang paaralang pang-sekondarya ng lungsod, at iba pang mahahalagang opisyal ng ahensya.