Mga natapos na proyektong pang imprastraktura, inulat ng city engineering office
By:Trixie Mae B. Umali
April 14, 2024 | 9:20 AM (GMT+8)
Inulat ng City Engineering Office (CEO), sa pangunguna ni Engr. Albertini Solatan, ang kanilang mga nagawa at natapos na proyekto noong nakaraang taon sa ginanap na Flag Raising Ceremony kahapon, Marso 11, 2024.
Sa kaniyang ulat, ibinahagi ni Engr. Solatan na ilan sa mga naipagpatuloy at natapos na proyekto ay ang mga proyektong may kaugnayan sa road construction at pagsasaayos ng mga pangunahing kalsada ng lungsod. Nagresulta ito sa higit na ligtas na mga daanan hindi lang para sa mga motorista, kundi maging sa publiko.
Matagumpay ding naisaayos ang ilang drainage systems na nasa kritikal na mga area nang sa gayon ay maibsan ang pagbaha. Ilan sa mga drainage system na ito ay ang nasa Vallejo Street at Arambulo Street ng Barangay Kanluran.
Sa pangunguna ng CEO, nakapagtayo rin ng mga bagong gusali at pasilidad sa iba't ibang paaralan sa lungsod. Kasama rito ang Four (4) Storey School Building, 24 Classrooms sa Santa Rosa Science and Technology High School; ang patuloy na pagtatayo ng Two (2) Building Four (4) Storey Senior High School sa Barangay Balibago; at ang bagong gusali ng DepEd - Santa Rosa.
Gayundin, pinasinayaan noong nakaraang taon ang mas pinaganda at pinaayos na Pampublikong Pamilihan. Pormal ding binuksan ang Santa Rosa Environmental Testing Laboratory, kasama na ang Sewerage Treatment Plant nito.
Bukod dito, inilunsad na rin ang iba pang pasilidad ng gobyerno gaya ng Multi-Level Parking sa City Government Center; at ang Five (5) Storey Multi-Purpose Building with Roof Deck sa City Government Center o ang City Hall Building C.
Nariyan din ang mga inilagay na Antique Street Lighting sa kahabaan ng Zavalla Street at F. Gomez Street bilang bahagi ng Heritage Square at mga ikinabit na Traffic Signal Lights sa mga piling kalsada tulad ng 7-11 Macabling – Manila South Road Intersection, Macabling River – Manila South Road Intersection, Malitlit – Manila South Road Intersection, at Mercado Village – Santa Rosa-Tagaytay Rod Intersection.
Ayon kay Engr. Solatan, ilan lamang ito sa mga natapos nang proyekto at mayroon pang mga isinasagawa sa kasalukuyan. Ilan lamang sa mga ito ay ang patuloy na konstruksyon ng 3-Storey with Roof Deck Hospital Building sa Santa Rosa Community Hospital; pagpapagawa ng Drop-off Area at Parking Space para sa Building C at D; landscaping ng open spaces at pagpapaganda ng Main Entrance ng City Government Center. Nariyan din ang konstruksyon ng Multi-Purpose Building for Indoor Sports sa Barangay Tagapo; ang 4-storey building na para sa School Lab at Admin Office ng PUP; ang 2-storey City Hall Building D; at ang patuloy na pagsasaayos at pagpapaganda ng City Plaza.
“Sa kasalukuyan ay marami pang ongoing projects sa ating syudad na ipinatutupad. Sa pamamagitan ng mga ito, hindi lamang natin pinalalakas ang imprastraktura ng ating lungsod kundi pati na rin ang kalidad ng buhay ng ating mga mamamayan,” bahagi ni Engr. Solatan
Aniya, hindi ito magiging posible kundi dahil sa pagtutulungan ng bawat isa. Ang lahat ng mga proyektong pang-imprastraktura na kanilang matagumpay na natapos ay dahil sa dedikasyon, propesyonalismo at puso para sa serbisyo publiko ng bawat isa.