Pamimigay ng ayudang alaga sa mga barangay, sinimulan na ng city vet
By:Trixie Mae B. Umali
March 5, 2024 | 3:23 PM (GMT+8)
Magsisimula na ang pamimigay ng ayuda sa mga barangay ng lungsod sa pangunguna ng City Veterinary Office (CVO) sa pamamagitan ng Broiler Chick Dispersal Program.
Sa ilalim ng program, magbibigay ng tulong sa mga barangay sa pamamagitan ng pamamahagi ng 50 na sisiw kasama ang dalawang sako ng patuka sa bawat benepisyaryo. Ang programang ito ay hindi lamang naglalayong magpalaganap ng pag-aalaga ng hayop bilang isang pamumuhay kundi maging bilang isang alternatibong hanapbuhay.
Layunin din nito ang pagpataas ng ani mula sa mga produktong hayop upang makatulong sa seguridad ng pagkain o food security ng mga mamamayan. Ayon sa CVO, mayroong 30 na mamamayan ang pipiliin mula sa mga nag-aplay at nagpasa ng mga kinakailangang requirements upang maging benepisyaryo ng programa.
Bago piliin ang mga ito at ipamahagi ang mga aalagaang sisiw, isasagawa muna ng opisina ang character investigation at site visitation ng mga aplikante. Ito ay upang masiguro ang kakayahang mag-alaga ng mga benepisyaryo at tiyakin na may sapat na espasyo para sa mga sisiw.
Ang opisyal na pamamahagi ng mga sisiw ay nakatakdang gawin sa mga susunod na buwan, kung saan inaasahan na magiging malaking tulong ito sa mga benepisyaryo sa kanilang mga kabuhayan.