Opisyal nang magkapatid na lungsod ang Lungsod ng Santa Rosa at Lungsod ng Silay, Negros matapos ang opisyal na pagpirma sa kasunduan nina Mayor Arlene B. Arcillas at Silay City Mayor Joedith C. Gallego noong ika-26 ng Pebrero 2024.
Kasama ang buong delegasyon ng Silay City, bumisita si Mayor Gallego sa Pamahalaang Lungsod ng Santa Rosa kung saan ginanap ang pirmahan ng kasunduan.
Layunin ng Sister City Agreement na itong mapalakas ang ekonomiya, mapalawig ang impormasyon at teknolohiya, gayundin ang makapagbahagi ng kultura na maaaring makatulong sa pagpapabuti ng pamumuhay ng mga mamamayan ng parehas na lungsod, hindi lang sa ngayon kundi sa hinaharap.
Sa kaniyang mensahe, ipinahayag ni Mayor Arlene ang kaniyang pananabik sa mga potensyal na kolaborasyong maaaring mangyari sa pagitan ng kanilang mga lungsod, partikular na sa sektor ng turismo, sining, at kultura.
“Your city is also known as the "Paris of Negros" and the "Cultural and Intellectual Hub of Negros," so I believe that our partnership will be meaningful, especially for the tourism sector.”
Itinuturing din ni Mayor Arlene na panibagong dagdag ang Silay sa pamilyang Santa Rosa. “In the same way I regard Santa Rosa as family, welcoming Silay City as our latest "sister" or extension of our family promises fresh and enriching encounters that can greatly benefit our communities. I am confident that the bond between our cities will flourish in the years to come and I am looking forward to the many achievements we will accomplish together,” aniya.
Ipinangako naman ni Silay City Mayor Gallego sa lungsod at kay Mayor Arlene ang pagkakaroon ng mabuting ugnayan ng kanilang mga bayan. “We will establish a relationship anchored on human growth and development, commitment and dedication,” ayon sa kaniya.
Samantala, matapos ang pagpirma ay nagkaroon ng post-event reception at bumisita ang buong delegasyon sa ipinagmamalaking world-class theme park ng Santa Rosa, ang Enchanted Kingdom.