Mga benepisaryo ng CEAP nakatanggap na ng cash assistance
By:Trixie Mae B. Umali
February 15, 2024 | 5:09 PM (GMT+8)
3,669 na mga benepisyaryo ng College Educational Assistance Program (CEAP) ang nakatanggap ng PhP 5,000 cash assistance mula sa Pamahalaang Lungsod ng Santa Rosa sa ginanap na pamamahagi noong Pebrero 14-15, 2024.
Ayon sa City Scholarship Office na siyang namamahala sa programa, ang nasabing assistance ay para sa unang semester ng Academic Year 2023-2024.
Pinangunahan ni Vice Mayor Arnold B. Arcillas ang pamamahagi nito matapos ang kaniyang maikling mensahe para sa mga mag-aaral. Bukod sa pag-aaral nang mabuti, pinaalalahanan niya ang mga ito na gamitin sa kanilang mga pangangailangan sa paaralan ang tulong pinansyal na kanilang matatanggap.
Sa ngalan ni Mayor Arlene ay ipinangako rin niyang patuloy na pag-iigihan ng lungsod ang pagpapabuti sa sektor ng edukasyon.
“Isa po sa mga pillar of development ng ating paglilingkuran ay ang edukasyon kaya naman rest assured that we will continue to provide, at kung kaya pa, ay mai-upgrade ang mga programang pang edukasyon dito sa Santa Rosa,” aniya.
Ang pillar of development na tinutukoy ni Vice Mayor Arnold ay ang “4 Pillars of Development” na bahagi ng pamumuno ni Mayor Arlene B. Arcillas. Ito ay kumakatawan sa apat na mahahalaga at prayoridad na sektor na nais niyang pagtibayin para sa kapakinabangan ng mga mamamayan at maging ng lungsod. Bahagi nito ang “Pillar of Knowledge and Skills for the Youth and Women” kung saan kabilang ang sektor ng edukasyon.