Mga produktong gawa ng kababaihan, tambok sa livelihood product exhibit
By:Trixie Mae B. Umali
March 11, 2024 | 2:34 PM (GMT+8)
Sa isang Ribbon Cutting Ceremony, na pinangunahan nina Mayor Arlene B. Arcillas at Vice Mayor Arnold B. Arcillas, noong Marso 11, 2024, pormal na binuksan ang Livelihood Product Exhibit sa Lobby ng Bldg. B ng City Hall. Ang exhibit ay ini-organisa ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO) bilang bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng Kababaihan.
Tampok sa exhibit ang iba't ibang produktong pangkabuhayan gaya ng pagkain, kasuotan, at mga halamang itinataguyod ng iba't ibang organisasyon ng ng kababaihan sa Lungsod ng Santa Rosa. Bahagi rin ng aktibidad ang libreng blood pressure check-up na hatid naman ng City Health Office 1.
Ayon sa CSWDO, layunin ng exhibit na ipakita ang maaaring maging kabuhayan ng mga kababaihan at mga tulong upang sila ang magkaroon ng kinikita.
Ilan sa mga organisasyong nakilahok sa exhibit ay ang Santa Rosa City Employees Multi-Purpose Cooperative (SRCEMPC), Women and Children Crisis Center, Angat Kababaihan, at Santa Rosa Livelihood Organization Inc.
Ang Livelihood Product Exhibit ay magtatagal hanggang Marso 15, 2024. Ito ay isa lamang sa mga aktibidad na isasagawa sa lungsod para sa pagdiriwang ng Buwan ng Kababaihan.
Sa Marso 14, 2024 gaganapin ang Kick-off Ceremony sa City of Santa Rosa Multi-Purpose Complex upang opisyal na buksan ang pagdiriwang ng Buwan ng Kababaihan.