UTC/GMT+8 - October 23, 2025 | 5:36 AM
Stay Up-to-date

Featured Woman: Judith Hasil - CSWD Head

By: Trixie Mae B. Umali
March 6, 2024 | 4:49 PM (GMT+8)
Featured Woman: Judith Hasil - CSWD Head
“Hindi tayo babae lang.” Ito ang nais iparating ni CSWD Head Judith Hasil sa lahat ng mga kababaihan ngayong National Women’s Month.

Bilang babaeng lider na 39 na taon nang nagsisilbi sa bayan, isa sa mahahalagang natutunan ni Hasil ay ang pagiging matatag sa mga hamon at pagsubok na kaakibat ng landas na pinili niyang tahakin. Ayon sa kaniya, hindi naging madali ang daan patungo sa posisyon na mayroon siya ngayon, ngunit pinagsumikapan niya itong lampasan sa pamamagitan ng pagpupursigi.

Taong 1985 nang siya ay magtrabaho bilang isang social worker. 1992 nang siya ay ma-assign sa noo’y munisipalidad pa lamang ng Santa Rosa. Ito rin ang taon kung saan binuo niya ang Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) matapos siyang maatasan upang maging pinuno o department head nito.
Featured Woman: Judith Hasil - CSWD Head
Featured Woman: Judith Hasil - CSWD Head
It’s not that easy to become a Head. Maganda lang siya pakinggan, madaming privilege and benefits, but the task you need to deliver requires so much of your effort and hard work. Mataas din ang expectations sayo. But for me, hindi mo man ma-perfect ang lahat ng ‘yon, you need to at least keep up, so kailangan mo talagang magtrabaho nang mabuti,” aniya nang tanungin kung paano nga ba ang maging isang pinuno ng tanggapan.

Malugod ding ibinahagi ni Hasil na sa mga taon ng kaniyang pamumuno sa CSWD ay matagumpay na nakamit niya ang mga layuning mayroon siya para sa opisina. Naisagawa at mas napagtibay pa niya ang mga programa at proyektong mayroon ang opisina.

Everytime na magpa-project kami, I see to it na may impact at naa-appreciate ng marami ‘yong proyektong ‘yon. Sinisigurado ko na kung ano man ang isinagawa namin, tumatak siya. Maraming na-involve at maraming natulungan. Marahil hindi man alam ng lahat pero ang main objective natin ay ang ma-empower ang mga kababaihan para magkaroon sila ng sariling ideya sa mga bagay-bagay, matuto silang bumuo ng plano at mag-isip nang mas malalim pa. Ito rin ang dahilan kung bakit disadvantaged women ang kalimitang target ng ating mga programa,” pahayag niya.

Ilan sa mga programang mayroon ang CSWD, partikular na sa mga kababaihan, ay ang livelihood programs na naglalayong hindi lang maturuan ang mga ito ng iba’t ibang skills, bagkus ay matulungan ding makapagsimula ng hanapbuhay.

Hanggang ngayon, ay nananatiling ito ang hangarin ni Hasil at ng kaniyang opisina—ang maitayo ang dignidad at reputasyon ng bawat kababaihan, nang sa gayon ay hindi ito maapi o maabuso nino man.
“We have always been consistent with our efforts to empower women, hindi para lampasan ang mga kalalakihan, kundi para pantayan sila nang sa ganoon ay maging katuwang nila tayo. Una, sa pagpapaunlad ng pamilya; pangalawa, upang makapagbahagi tayo sa komunidad; at pangatlo ay upang maging kaisa tayo sa nation building,” sa huli ay sinabi niya.

Isa lamang si Hasil sa napakaraming ‘women leader’ na patuloy na nagtataguyod ng karapatan at kapakanan ng mga kababaihan. Hindi dahil sa siya ay nasa larangan ng serbisyo publiko, kundi dahil sa siya ay babaeng may malasakit sa mga kapwa niya babae rin.
Share article:

Suggested News

Advertisement 

Stay tuned! Content will appear here soon