Centro at iba pang ahensya, nanguna sa coastal clean-up
By:Trixie Mae B. Umali
April 18, 2024 | 8:49 AM (GMT+8)
Tinatayang 119 kilo ng mga basurang nabubulok at 335 kilo ng mga basurang plastic ang nakolekta sa baybayin ng Barangay Aplaya matapos magsagawa ng coastal clean-up ang City Environment and Natural Resources Office (CENRO) noong ika-13 ng Abril 2024.
Katuwang ang Philippine Coast Guard – Marine Environment Protection (PCG-MEP) Group Laguna, DepEd Tayo Youth Formation – Division of Santa Rosa, at Sangguniang Barangay ng Aplaya, isinagawa ang aktibidad bilang bahagi ng pagdiriwang ng Month of the Planet Earth na may temang “Planet vs. Plastic”.
Layunin nitong panatilihin ang kalinisan ng baybayin ng barangay, gayundin ay lalo pang palakasin ang kamalayan ng mga mamamayan sa kahalagahan ng malinis at maayos na komunidad. Bahagi rin ito ng patuloy na aksyon at kontribusyon ng lungsod sa pangangalaga sa Laguna de Bay.
Samantala, bukod sa mga opisyal ng nasabing mga tanggapan at ahensya, nakiisa rin sa makabuluhang aktibidad ang halos 100 na mga mag-aaral at guro mula sa lungsod. Ito ay bahagi naman ng mga hakbangin ng DepEd Santa Rosa upang ituro sa mga kabataan na malaki rin ang magagawa nila upang ingatan ang kalikasan.